China vs Chinese-Taipei masisilayan sa MOA
MANILA, Philippines — Masisilayan ng Pinoy fans ang bakbakan ng China at Chinese-Taipei sa group stage ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Lalaruin ito sa Marso 1.
Mismong ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na ang nagkumpirma nito subalit pinaplantsa pa ang lahat upang masigurong magiging maayos ang pagdaraos ng laban.
Isa na rito ang pagkuha ng clearance mula sa Department of Foreign Affairs para matiyak na hindi ito makaapekto sa anumang bilateral programs ng Pilipinas sa dalawang bansang maglalaro.
Orihinal sanang lalaruin ang China vs Chinese-Taipei match sa Taiwan subalit nagpasya itong ilipat sa isang neutral court dahil sa tensiyon na namamagitan sa dalawang bansa.
Nakalagay na sa kalendaryo ng FIBA website ang laban ng China at Chinese-Taipei sa Marso 1 sa Mall of Asia Arena sa alas-4 ng hapon.
Magsisilbing pampalabok ito dahil lalaruin din sa naturang petsa ang laban ng Gilas Pilipinas at Australia sa alas-7:30 ng gabi.
Nasa Group B ang China at Chinese-Taipei kasama ang Japan at South Korea.
Parehong wala pang panalo ang China at Chinese-Taipei sa dalawang pagsalang.
Namamayagpag naman ang Gilas Pilipinas sa Group A bitbit ang matikas na 2-0 rekord kung saan inilampaso nito ang Guam sa kanilang unang dalawang laro sa first window.
Kasosyo ng Gilas sa tuktok ng standings ang Australia na may katulad na 2-0 baraha.
- Latest
















