Murray bumida sa pagmasaker sa Jazz

MANILA, Philippines — Binanderahan ni Jamal Murray ang 19-0 abante ng Nuggets sa pagsisimula ng laro patungo sa 135-112 pagmasaker sa Utah Jazz.
Ang pinakamalaking ratsada sa isang laro ay ang 29-0 ng Los Angeles Lakers laban sa Sacramento Kings noong Pebrero 4, 1987.
Kumonekta ang Denver ng 15 three-point shots sa first half, ang lima rito ay kay Murray.
Tumapos siya na may 27 points kasunod ang 20 markers ni Cameron Johnson na kumonekta ng anim na triples.
Humakot si Nikola Jokic ng triple-double na 14 points, 13 rebounds at 13 assists, habang may 20 markers si Peyton Watson.
Ito ang ika-14 triple-double ni Jokic ngayong season at ika-178 sa kanyang career.
Pinamunuan ni Lauri Markkanen ang Utah sa kanyang 27 points kasunod ang 20 markers ni Keyonte George.
Bagsak ang Jazz sa kanilang ikatlong sunod na kamalasan.
Mula sa 19-0 panimula ay pinalobo ng Nuggets ang kanilang kalamangan sa 33-5 sa 4:42 minuto ng first period.
Ikinasa ng Denver ang 94-67 abante bago kumamada ang Utah ng isang 13-2 atake para sa kanilang 17-point deficit sa dulo ng third quarter.
Ngunit muling humataw ang Nuggets sa fourth period para selyuhan ang panalo.
Sa iba pang laro, dinaig ng Oklahoma City Thunder ang Memphis Grizzlies, 119-103; panalo ang Boston Celtics sa Indiana Pacers, 103-95; tinusok ng Cleveland Cavaliers ang Charlotte Hornets, 139-132; at wagi ang New Orleans Pelicans sa Dallas Mavericks, 119-113.
- Latest
















