Centeno, Amit pumapalag pa

MANILA, Philippines — Pasok sina world champions Chezka Centeno at Rubilen Amit sa Last 16 stage ng WPA World Women’s 9-Ball Championship na ginaganap sa Jacksonville, Florida.
Umani si Centeno ng 0-2 pagyuko sa kamay ni veteran cue master Kelly Fisher ng Great Britain dahilan para mahulog ito sa losers’ bracket.
Ngunit mabilis na nagising si Centeno nang patumbahin nito si Pearl Chiang Shui-ching ng Chinese-Taipei sa iskor na 2-1 sa do-or-die game para makahirit ng puwesto sa knockout stage.
Nauna nang tinalo ni Centeno sina American Shanelle Loraine, 2-0, sa first round at Chinese Han You sa second round, 2-1.
Hindi rin nagpakabog ang defending champion na si Amit na nagtala ngtatlong sunud-sunod na panalo para manatiling buhay ang tangka nitong back-to-back titles.
Nasa losers’ bracket si Amit kung saan iginupo nito sina Japanese Miyuki Kuribayashi (2-0), South Korean Lee Harin (2-1) at Belgian Diana Khodjaeva (2-0) para umusad sa Last 16.
Makakalaban ni Centeno sa knockout phase si Australian Hung Meng-Hsia habang titipanin naman ni Amit si Chinese Liu Shasha.
Umaasa si Centeno na makukubra nito ang kanyang ikalawang korona sa taong ito matapos pagreynahan ang WPA Women’s 10-Ball World Championships sa Bali, Indonesia noong Oktubre.
Hangad naman ni Amit na masungkit ang ikaapat na world title.
- Latest


















