Mag-amang Gomez may ambag na medalya
MANILA, Philippines — Uuwi ang mag-amang Richard Gomez at Juliana Gomez na may bitbit na medalya mula sa 2025 Southeast Asian Games na ginaganap sa Bangkok, Thailand.
Hindi man naisakatuparan ang inaasam na gintong medalya, masaya ang dalawa dahil hindi biro ang makipaglaban sa isang malaking international tournament.
At malaking karangalan ang makapagbulsa ng medalya anumang kulay nito.
Nakahirit si Richard ng pilak kung saan kasama ito ng men’s team na pumangalawa sa shotgun (skeet and trap) shooting event kasama sina Joaquin Ancheta, Carlo Baltonado at Eduardo Angelo Rivilla III.
Sa kabilang banda, nakahirit naman si Juliana ng tanso sa women’s team epee event kasama sina Alexa Larrazabal, Hanniel Abella at Ivy Claire Dinoy.
Una nang tinalo ng mga Pinay fencers ang mga Indonesians sa quarterfinals, 45-19, bago yumuko sa mga Singaporeans sa semis, 40-45, para magkasya sa tanso.
Hindi pinalad si Juliana na makapasok sa medal round sa women’s individual epee event.
- Latest
















