Beda winalis ang Letran para sa NCAA crown
MANILA, Philippines — Tuluyan nang winalis ng San Beda University ang karibal na Colegio de San Juan de Letran sa kanilang championship series matapos kunin ang 83-71 panalo sa Game Two ng NCAA Season 101 men’s basketball finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tinapos ng Red Lions ang kanilang best-of-three titular showdown ng Knights sa 2-0 para angkinin ang ika-24 korona.
Nauna nang nirapido ng San Beda, huling nagkampeon sa Season 99, ang Letran sa Game One, 89-70, noong Miyerkules.
Ginawa ito ng tropa ni coach Yuri Escueta kahit wala si Fil-Am rookie sensation Janti Miller na napatawan ng one-game suspension.
Kumolekta si PBA-bound big man Yuki Andrada ng 21 points, 5 rebounds, 3 assists, 3 blocks at 2 steals para banderahan ang Red Lions.
Umiskor din si Bryan Sajonia ng 21 markers tampok ang krusyal na three-point shot sa huling 1:59 minuto para sa kanilang 76-69 abante.
Pinamunuan ni rookie star Titing Manalili ang Knights sa kanyang 15 points, 7 assists at 6 rebounds.
Samantala, pinabagsak ng Letran Squires ang Arellano Braves sa kanilang serye matapos kunin ang 91-88 overtime win sa Game Two para sa ika-15 juniors crown.
Iniskor ni Nathan Egea ang lahat ng kanyang 10 points sa extra period para isunod sa naunang 85-79 panalo ng Squires sa Braves sa Game One.
- Latest

















