Juan Gomez pasok sa Gilas Pilipinas pool
MANILA, Philippines — Pasok sa Gilas Pilipinas pool si Converge guard Juan Gomez de Liano para sa FIBA World Cup Qualifiers na raratsada sa Nobyembre 28.
Ilang miyembro ng Gilas ang may problema sa visa.
Kaya’t malaking tulong ang pagpasok ni Gomez de Liano sakaling maipit ang ibang players na walang visa.
“We’ve invited Juan to the practice. This doesn’t necessarily mean he’s going to be in the Final 12, but he will come and join us,” ani coach Tim Cone.
Napukaw ang atensiyon ng lahat nang magpasiklab si Gomez de Liano sa 106-96 panalo ng Converge laban sa Barangay Ginebra kung saan nagtala ito ng impresibong 32 puntos.
Nakatakdang umalis ang Gilas Pilipinas sa Nobyembre 25 patungong Guam para sa ‘away game’ ng mga Pinoy cagers.
Nagsimula na ng ensayo ang Gilas Pilipinas kahapon at sa halip na sa Inspire Sports Academy ay nagpapawis ang Gilas sa Blue Eagle Gym sa Ateneo de Manila University.
Makakasama ni Gomez de Liano sa Gilas ang kapwa University of the Philippines standout na si Quentin Millora-Brown na masisilayan sa unang pagkakataon suot ang Gilas jersey.
“QMB and Juan will be the only ones who don’t know the system and need to be taught. They will be starting from ground zero,” ani Cone.
Gayunpaman, wala pang pinal na desisyon si Cone sa magiging Final 12 nito sa qualifiers.
“Right now, we are considering him (Gomez de Liano) obviously. We have him in practice. If we continue to have visa issues or God-forbid, someone gets injured or something, he could very well go,” ani Cone.
May US visa si Gomez de Liano kaya’t malaki ang tsansa nito sa oras na makapasok kung magkakaroon ng aberya.
“He’s got his visa and he is on the list so he could be part of the 12,: ani Cone.
- Latest















