Krusyal na laban ng JRU at EAC
MANILA, Philippines — Bubuhayin ng Jose Rizal University at Emilio Aguinaldo College ang pag-asa para sa quarterfinals berth sa kanilang salpukan sa second round ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament.
Maghaharap ang Heavy Bombers at Generals ngayong alas-2:30 ng hapon matapos ang bakbakan ng Arellano Chiefs at San Sebastian Stags sa alas-11 ng umaga sa FilOil Centre sa San Juan City.
Solo ng San Beda ang liderato sa Group B hawak ang 7-3 record kasunod ang Season 100 runner-up St. Benilde (6-4), Letran (6-4), Jose Rizal (5-5) at EAC (4-6).
Bumabandera pa rin ang Perpetual sa Group A bitbit ang 8-2 record sa itaas ng nagdedepensang Mapua (5-5), Arellano (3-6), San Sebastian (3-7) at Lyceum (2-8).
Parehong galing sa talo ang Heavy Bombers at Generals sa Knights, 71-85, at sa 78-85, ayon sa pagkakasunod.
Muling aasahan ng Jose Rizal sina Shawn Argente, Sean Salvador, Allan Laurenaria, Stephen Garupil at Ivan Panapanaan.
Itatapat ng EAC sina team captain Nico Quinal, Brianne Angeles, Rico Postanes, Jude Bagay, Aldeo Lucero at EJ Castillo.
- Latest



















