Farm Fresh babangon agad vs Choco Mucho
MANILA, Philippines — Pipilitin ng Farm Fresh na makabangon mula sa pagkatalo para muling masolo ang liderato sa Pool A ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Lalabanan ng Foxies ang Choco Mucho Flying Titans ngayong alas-4 ng hapon matapos ang upakan ng Cignal Super Spikers at Capital1 Solar Spikers sa ala-1:30 ng hapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.
Sa alas-6:30 ng gabi magtutuos ang PLDT High Speed Hitters at Nxled Chameleons.
Tabla sa liderato ng Pool A ang PLDT at Farm Fresh sa magkatulad nilang 3-1 record kasunod ang Choco Mucho (2-2), Cignal (2-2), Capital1 (1-2) at Nxled (0-4).
Bumabandera sa Pool B ang ZUS Coffee taglay ang 4-0 baraha sa itaas ng Akari (3-1), nagdedepensang Creamline (3-2), Petro Gazz (3-2), Chery Tiggo (1-4) at Galeries Tower (0-5).
Sa tournament format, lalabanan ng top three teams ng Pool B ang bottom three squads ng Pool A sa isa pang single-round phase para sa puwestuhan sa knockout playoffs.
Ang Top 8 ang magla-laro sa knockout stages patungo sa quarterfinals, semifinals at finals ng torneo.
Nagmula ang Foxies sa 25-22, 23-25, 14-25, 16-25 kabiguan sa High Speed Hitters at winalis ng Flying Titans ang Chameleons, 25-23, 25-19, 25-22, sa kanilang mga huling laro.
- Latest
















