Jerusalem kasado na sa Thrilla in Manila 2

MANILA, Philippines — Kasado na ang lahat para sa prestihiyosong Thrilla in Manila 2 na selebrasyon ng ika-50 anibersaryo ng ng pamosong laban nina Muhammad Ali at Joe Frazier noong dekada 70.
Aarangkada ang bakbakan ng mga Pinoy fighters laban sa mga foreign boxers tampok ang pagdepensa ni World Boxing Council (WBC) strawweight champion Melvin Jerusalem sa kanyang korona.
Makakasagupa ni Jerusalem si South African Siyakholwa Kuse sa main bout na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum.
“Malaking karangalan ito para sa akin dahil historic itong 50th anniversary ng Thrilla in Manila,” ani Jerusalem sa official weigh in na ginanap sa Gateway Mall 2 kahapon.
Walang nararamdamang pressure si Jerusalem. Sa halip, excited na itong sumabak sa harap ng mga kababayan nito.
“Wala namang pressure. Mas excited ako dahil maraming mahuhusay na fighters and maraming fans ang manonood,” ani Jerusalem na may hawak na 23-4 win-loss record.
Pasok sa timbang si Jerusalem na may bigat na 104.8 pounds. Parehong timbang ang naitala ng 22-anyos na si Kuse.
Masisilayan din sa event ang WBC International Middleweight fight nina Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Felix Marcial at Eddy Colmenares ng Venezuela.
Susuntok din ang anak ni Pacquiao na si Eman Bacosa laban naman kay Nico Salado.
- Latest


















