Williams ‘di lalaro sa NBA opener
OKLAHOMA CITY — Hindi makakalaro si Thunder star forward Jalen Williams sa umpisa ng kanilang title defense laban sa bisitang Houston Rockets sa pagsisimula ng 2025-2026 NBA season ngayon.
Nagrerekober pa kasi si Williams mula sa isang offseason surgery sa kanyang kanang pulso.
“Just whenever I feel like I can be a hundred percent, then I’ll rock out,” ani Williams sa preseason.
Mas pinili ni Williams, isang third-team All-NBA at second-team All-Defensive selection sa nakaraang season, na ipagpaliban ang surgery sa kanyang napunit na scapholunate ligament sa kanang pulso noong Abril 9.
Ito ay para tulungan ang Oklahoma City na makopo ang NBA championship laban sa Indiana Pacers.
Kinailangan ni Williams ng halos 30 pain-killing injections sa kanyang kanang pulso sa kasagsagan ng playoffs kung saan siya nagtala ng mga averages na 21.4 points, 5.5 rebounds at 4.8 assists na tinampukan ng isang 40-point performance sa panalo ng Thunder sa Game Five ng NBA Finals.
Sa Los Angeles naman haharapin nina LeBron James at Luka Doncic ng Lakers sina Stephen Curry at Jimmy Butler ng bisitang Golden State Warriors.
Hindi lalaro si James dahil sa injury.
- Latest

















