Malonzo huhugutin ni Black para sa SEAG

MANILA, Philippines — Kung magiging maayos ang lahat, nais ni veteran mentor Norman Black na makuha si Jamie Malonzo para sa Gilas Pilipinas na masisilayan sa aksyon sa 2025 Southeast Asian Games na gaganapin sa Disyembre sa Bangkok, Thailand.
Kamakailan lamang ay pinangalanan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) si Black upang manduhan ang Gilas Pilipinas na sasabak sa Thailand SEA Games.
Nasa Japan si Malonzo matapos ang limang games na paglalaro nito kasama ang Kyoto Hannaryz sa Japan B.League.
Maagang tinapos ng Kyoto ang kontrata ni Malonzo.
Subalit nanatili si Malonzo sa Kyoto dahil nakikipagnegosasyon ito sa kanyang lilipatang team.
Nang malaman ito ni Black, agad nitong naisip na isama sa lineup si Malonzo.
Kasado na ang lineup ni Black ngunit may bakante pa para sa isang slot na posibleng ibigay nito kay Malonzo kung magiging maayos ang lahat.
“I just heard Malonzo is available now. Obviously, I’m going to call him and try to see whether he will be interested in playing. I still have one slot available,” ani Black sa programang Power and Play.
Magiging problema lamang kung makakakuha ng bagong team si Malonzo sa Japan B.League.
- Latest
















