St. Benilde babawi sa Season 101
MANILA, Philippines — Sisimulan ng College of St. Benilde ang pagbangon mula sa kabiguan sa nagharing Mapua University sa nakaraang NCAA Season 101 men’s basketball championship series.
Lalabanan ng Blazers ang San Beda Red Lions ngayong alas-5 ng hapon matapos ang opening ceremony sa alas-12 ng tanghali tampok sina songstress Thea Astley, Hannah Precillas, Naya Ambi at Aicelle Santos para sa NCAA Season 101 sa Smart Araneta Coliseum.
Si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio ang magsisilbing guest speaker.
Sa alas-2:30 ng hapon makakatapat ng Cardinals ang Lyceum Pirates para buksan ang kanilang title defense.
Muling aasahan ng St. Benilde sina reigning MVP Allen Liwag, Tony Ynot, Justine Sanchez at Gab Cometa kasama ang mga bagong recruits na sina Shawn Umali at SJ Moore.
Sasandal naman ang Red Lions kina Yukien Andrada, Nygel Gonzales, Richi Calimag, Penny Estacio, Bismarck Lina, Jomel Puno, Joe Celzo at Bryan Sajonia.
Si Andrada ay kinuha ng Magnolia bilang No. 6 overall pick sa nakaraang PBA Draft.
Sa bagong tournament format ay magkakasama sa Group A ang Mapua, Lyceum, Perpetual Help, San Sebastian at Arellano University.
Nasa Group B ang San Beda, St. Benilde, Letran, JRU at Emilio Aguinaldo College.
- Latest























