Italy vs Bulgaria sa finals

MANILA, Philippines — Matapos ang 55 taon ay muling maglalaro ang mga Bulgarians sa finals ng FIVB Volleyball Men’s World Championship.
Ito ay matapos patumbahin ng World No. 9 Bulgaria ang World No. 17 Czechia, 25-20, 23-25, 25-21, 25-22, sa kanilang semifinals duel kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hinataw ng mga Bulgarians ang ikaanim na sunod na panalo mula sa group stage sa harap ng 9,652 fans para makasampa muli sa gold medal round matapos noong 1970 kung saan sila natalo sa nagkampeong East Germany.
“It means a lot that they stayed and searched for solutions even if we didn’t play our best game especially in service,” pahayag ni Italian coach Gianlorenzo Blengini sa kanyang tropa.
Lalabanan ng four-time bronze medalists sa finals ng 32-team world championship ang World No. 2 at nagdedepensang Italy na winalis ang World No. 1 Poland, 25-21, 25-22, 25-23, sa ikalawang laro.
Pumalo si Yuri Romano ng 15 points mula sa 12 attacks, dalawang blocks at isang ace para sa mga Italians, habang may 12 markers si Alessandro Michieletto.
Bigo naman ang mga Czechs na muling makapasok sa finals matapos maghari noong 1966.
Muling pumagitna si Aleksandar Nikolov para sa Bulgaria sa kanyang pinasabog na tournament-high 31 points mula sa 27 attacks, tatlong service ace at isang block.
Nagtala si Simeon Nikolov ng 42 excellent sets para sa opensa ng mga Bulgarians.
Matapos makatabla ang Czechia, nakahugot kay Lukas Vasina ng 17 points, sa second set ay nakabalik sa porma ang Bulgaria sa third frame, 25-21, patungo sa pagkumpleto sa kanilang four-set victory.
Ang hataw ni Aleksandar Nikolov ang naglagay sa mga Bulgarians sa match point, 24-22, habang ang service error ni Jan Galabov ang nagpatalo sa mga Czechs.
- Latest
















