Escamis hinihiram ng Gilas sa NCAA
MANILA, Philippines — Isa si Clint Escamis ng Mapua University sa mga NCAA players na hinihiram ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para sa Gilas Pilipinas na magdedepensa ng korona sa 33rd Southeast Asian Games.
At umaasa siyang papayagan siya ng Cardinals at ng NCAA na makapaglaro sa national team ni coach Norman Black.
“Hindi ko pa siya tine-take heavily na parang kailangan ma-roster (sa Gilas Pilipinas). If it happens, it happens,” wika ni Escamis. “Hopefully, if ever man, payagan ako ng NCAA. Let’s see.”
Binanderahan ng 6-foot-2 scoring guard ang Mapua sa pagwalis sa College of St. Benilde sa best-of-three championship series para pagharian ang nakaraang NCAA Season 100 men’s basketball tournament.
Nauna nang sinabi ni Black na hihiram siya ng ilang players mula sa NCAA at UAAP para makasama nina naturalized players Justin Brownlee at Ange Kouame sa pagsabak ng Gilas Pilipinas sa 2025 SEA Games.
Swak na rin sa line-up sina Ray Ray Parks Jr., Matthew Wright, Remy Martin, Dave Ildefonso, Jason Brickman at collegiate standout Veejay Pre.
Idaraos ang biennial event sa Bangkok, Thailand sa Disyembre 8 hanggang 20.
Didribol naman ang NCAA Season 101 sa Oktubre 1 at posibleng matapos sa Disyembre 14.
- Latest

















