FEU, San Beda nagparamdam agad sa SSL Preseason Unity Cup

MANILA, Philippines — Pinatunayan ng powerhouse Far Eastern University na isa sila sa markadong team sa 2025 Shakey’s Super League (SSL) Preseason Unity Cup.
Ito’y matapos ilampaso sa tatlong sets ang Jose Rizal University, 25-15, 25-9, 25-23 kahapon na nilaro sa FilOil Centre sa San Juan.
Nahirang na Most Valuable Player (MVP) of the Match si Gerzel Mary Petallo matapos nitong ilista ang walong puntos mula sa pitong attacks at isang service ace para sa Lady Tamaraws na nilista ang 1-0 karta at manguna agad sa tuktok ng Pool B.
Nalasap naman ng Lady Bombers ang unang kabiguan sa event na inisponsoran ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R and B Milk Tea.
Ayon kay Petallo, ginawa lamang nila ang mga itinuro sa kanila sa practice kaya naman naging madali sa kanilan ang pagsilo ng panalo sa tournament na suportado ng Asics, Mikasa, Smart Sports, F2 Logistics, Team Rebel Sports, Belo Deo, SM Tickets at PusoP.com bilang technical partners.
“Nasa training na kasi namin yung galaw kaya kailangan lang namin na i-apply sa laro,” ani Petallo. “Kailangan ko rin i-guide talaga yung mga bata, may malo-look forward pa talaga yung mga supporters namin,”
Samantala, nagwagi sa pahirapang laban sa unang laro ang San Beda University kontra Emilio Aguinaldo College, 25-19, 19-25, 20-25, 25-20, 15-10,
Limang sets ang kinailangan ng Lady Red Spikers para sakmalin ang 1-0 karta at puwestuhan ang ibabaw ng Pool A sa ligang mapapanood sa live and on demand via PusoP.com at Solar Sports.
Nanguna sa opensa para sa San Beda U si Janelle Bachar na nagtala ng 17 points mula sa 16 kills at isang service ace habang 16 ang iniskor ni Angela Habacon.
- Latest
















