Cuban hitter tutulong sa Chery Tiggo
MANILA, Philippines — Umaasa ang Chery Tiggo na matutulungan sila ni Cuban outside hitter Yunieska Batista sa kanilang pagsabak sa darating na 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Naglaro para sa Yesilyurt Sports Club sa Turkey, ang 32-anyos scoring power na si Batista ang aasahan ng Crossovers sa kanilang hangad na ikalawang finals stint ngayong 2025.
“Power, performance, and new energy! Outside Hitter Yunieska Batista joins the Chery Tiggo EV Crossovers,” pahayag ng Chery Tiggo sa kanilang social media post.
Minalas ang Crossovers sa PLDT High Speed Hitters para sa korona ng nakaraang PVL on Tour.
Tumapos ang Chery Tiggo sa fifth place sa 2024 PVL Reinforced Conference kasama si Canadian star Kathryn Bell.
Makakasabayan ni Batista sa torneo sina American spiker Courtney Schwan ng nagdedepensang Creamline, Russian outside hitter Anastasiia Bavykina ng PLDT at Greek outside hitter Eva Chantava ng Cignal HD.
Papalo ang PVL Reinforced Conference sa Oktubre.
Sa pagkuha kay Bavykina ay pupuntiryahin ng High Speed Hitters ang ‘three-peat’.
Inangkin ng PLDT ang mga korona ng nakaraang PVL on Tour kontra sa Chery Tiggo at ang Invitational Conference laban sa Kobe Shinwa University ng Japan.
- Latest
















