Regalario bigo kay Januarta

MANILA, Philippines — Itinodo ni Pinoy cue artist Bermie Regalario ang kanyang tikas pero hindi sapat upang kalusin sa finals si Albert Januarta ng Indonesia sa katatapos lamang na Zen Custom Cue and Yuan 8 Open na inilaro sa Yuan 8 Club sa Shanghai, China.
Yumuko ang 2025 World 9-ball semifinalist na si Regalario kay Januarta, 8-13, sa championship round kung saan ay Race-to-13 ang labanan.
Naglaban sa finals ang 20-anyos na si Regalario at ang 17-anyos na si Januarta matapos nilang kaldagin ang nakaharap nila sa semifinals.
Pinatalsik ni Regalario si defending champion Ko Pin Yi ng Chinese Taipei, 11-5, habang pinataob ni Januarta si Felix Vogel ng Germany, 11-8, sa event na may $60,000 guaranteed prize.
Naibulsa ni Regalario ang second place prize na $8,000, habang $20,000 ang napunta kay Januarta at may tig-$4,000 ang dalawang semifinalists na sina Vogel at Yi.
Dumaan sa loser’s bracket si Regalario bago nakasampa sa Round-of-32 kung saan ay nakasama niya ang mga kababayang sina Marvin Asis, Michael Feliciano at Harry Vergara.
- Latest

















