Nxled dinispatsa ng Chery Tiggo

MANILA, Philippines —Mabilis na dinispatsa ng Chery Tiggo ang Nxled, 25-17, 25-15, 25-20, sa kanilang knockout quarterfinal match para magmartsa sa semifinal round ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Pumalo si Cess Robles ng 12 points kasunod ang tig-11 markers nina Ara Galang at Renee Peñafiel para sa Crossovers na sasagupa sa Cignal HD sa knockout semis sa Martes.
Nagbulsa rin ang tropa ni coach Norman Miguel ng isa sa apat na tiket para sa mga local teams sa darating na PVL Invitational Conference.
“Gusto ko lang iyong low key kami na simpleng team pero maglalaro diyan na focus, intense na ibibigay iyong best nila,” ani Miguel na nakahugot ng 10 points kay Imee Hernandez.
Tumipa rin si libero Karen Verdeflor ng 16 excellent digs habang may 14 excellent sets si setter Jasmine Nabor.
Pinamunuan ni EJ Cariño ang Chameleons sa kanyang 13 points kasunod ang 10 markers ni Jovs Fernandez.
Matapos kunin ang first set, 25-17, ay hinataw ng Chery Tiggo ang 20-10 abante sa second frame matapos ang sideout ni Nxled rookie Lyann de Guzman.
Humirit pa si Krich Macaslang ng dalawang puntos para sa 12-22 agwat ng Chameleons bago umiskor si Hernandez para selyuhan ang 2-0 lead ng Crossovers.
Mula naman sa 8-4 bentahe sa third set ay kumawala ang Chery Tiggo para iwanan ang Nxled sa 16-9 patungo sa pagkumpleto sa kanilang straight-set victory.
- Latest
















