Team Philippines nasa Chengdu na

MANILA, Philippines — Dumating na sa Chengdu, China ang ikalawang batch ng Team Philippines na aarangkada sa 2025 World Games na pormal na magsisimula bukas sa Tianfu International Convention Center.
Magkakasabay na dumating sina wushu artists Jones Inso at Agatha Wong, at Raph Trinidad ng wakeboarding na mainit na sinalubong sa naturang Chinese city.
Sina Wong at Trinidad ang magsisilbing flag bearers ng pambansang delegasyon sa opening ceremony na dadaluhan ng mahigit 6,000 atleta at mga opisyales mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Matapos ang opening ceremony, kailangang magpahinga agad nina Wong at Trinidad dahil mapapalaban agad ito sa Agosto 8 sa kani-kanyang preliminary games.
Lalaban si Wong sa taolu event sa Hi-Tech Zone Sports Gymnasium habang masisilayan naman si Trinidad sa qualifying round sa Sancha Lake Taohuadao Arena.
May 47 atleta ang lalaban para sa Pilipinas kabilang na si World 10-Ball champion Rubilen Amit ng billiards.
Kasama ni Amit sa billiards competition si dating World 10-Ball champion Chezka Centeno.
“We’re eyeing a significant improvement in these Chengdu World Games from the previous edition. This is going to be the largest delegation in all World Games editions and I am praying for more medals, especially gold,” ani Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino.
Hahataw naman sa men’s division ng billiardfs si Jeffrey De Luna gayundin sina Kayla Napolis at Annie Ramirez ng jiu-jitsu, Hergie Bacyadan ng kickboxing, Rudzma Abubakar ng muay, Joyce Reboton at Reggie Ramirez ng powerlifting, Aislinn Yap ng sambo at sina Kim Mangrobang, Franklin Yee, Bea Quiambao, Maynard Pecson, John Patrick Ciron, at Merry Joy Trupa ng triathlon.
- Latest

















