Alapag optimistiko sa future ni Quiambao
MANILA, Philippines — Bigo si dating UAAP MVP Kevin Quiambao na makapasok sa NBA Summer League.
Sumalang ito sa kaliwa’t kanang training camps sa Amerika ngunit hindi ito napili para makasama sa Summer League.
Subalit nananatiling optimistiko si dating Gilas Pilipinas team captain Jimmy Alapag sa magiging kapalaran ni Quiambao sa mga darating na panahon.
Si Alapag ay bahagi ng NBA coaching staff bilang Sacramento Kings player development coach.
Malaki ang tiwala ni Alapag sa kakayahan ni Quiambao. Bata pa ito at marami pa itong matututunan sa kanyang mga susunod na torneong lalahukan.
Saludo rin si Alapag sa tapang ni Quiambao na sumubok upang makapasok at makapaglaro sa pangarap nitong NBA.
“He’s young. And I commend him for seeking out these opportunities here, Summer League, G League, potentially in the NBA in the future,” ani Alapag sa programang Power and Play.
Nagbigay din ng payo si Alapag na huwag itong mawawalan ng pag-asa at patuloy na magsumikap upang mas lalo pang lumakas sa paglalaro.
May ilang punto rin na napuna si Alapag sa pagsali ni Quiambao sa ilang workout sa Amerika kamakailan.
Kailangan aniyang planado ang lahat bago ito sumabak sa camps.
Ilan na rito ang pakikipag-usap sa mga NBA teams at coaches upang maipakilala ng husto si Quiambao.
Sa oras na maipakilala na si Quiambao, mas magiging madali ang proseso para makasabak sa mga training camps at NBA Summer League na isa sa mga daan para magpakitang gilas sa mga NBA coaches at team owners.
- Latest
















