Aussie Bound bumida sa 3YO Maiden race
MANILA, Philippines — Ipinakita ng Aussie Bound ang kanyang husay matapos nitong sikwatin ang panalo sa 3-Year-Old & Above Maiden Race (Placer) na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas, noong Linggo ng hapon.
Nakipagsabayan ang Aussie Bound sa matutulin sa largahan na Victorious Babylyn at Super Daily Den kaya naman lutsahan ang tatlo sa kaagahan ng karera.
Umungos ng bahagya ang Aussie Bound at Victorious Babylyn sa kalagitnaan ng karera habang nasa pangatlo ang Super Daily Den.
Papalapit ng far turn ay bakbakan pa rin sa unahan ang Aussie Bound at Victorious Babylyn nasa tersero ang Super Daily Den habang lumalapit naman sa pang-apat na puwesto ang Catania.
Pagdating ng huling kurbada ay bahagyang lumalapit ulit ang Victorious Babylyn sa unahan pero naniguro na si jockey Christian Garganta at inilayo na ng todo ang Aussie Bound.
Tinawid ng Aussie Bound ang meta ng may anim na kabayong agwat sa pumangalawang Victorious Babylyn, tersero ang Sing A New Song habang pumang-apat ang Catania.
Nirehistro ng Aussie Bound ang tiyempong 1:26 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner ang P15,000 added prize sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Hinamig naman ng breeder ng nanalong kabayo ang P4,500 habang P1,000 at P500.00 ang second at third placers, ayon sa pagkakasunod.
- Latest

















