Brownlee: Pinas dapat katakutan

MANILA, Philippines — Pilipinas ang hari ng Asian basketball.
Iyan ang nais patunayan ni Justin Brownlee at ang Gilas Pilipinas sa paparating na 2025 FIBA Asia Cup matapos pagharian ang 2023 Asian Games.
Isa pang ginto ang nais idagdag ni Brownlee at kumpyansa siyang may kakayahan ang Gilas na magawa ito para lalong mapatibay ang kanyang estado na pinakamagaling na import sa kasaysayan ng bansa.
“Now, I think we kind of have put Asia on notice as far as saying that we’re here and we really want to be able to compete,” ani Brownlee matapos gabayan ang Gilas sa 103-98 panalo kontra sa Macau Black Bears sa sendoff tune-up match nila kamakalawa.
“The Philippines is growing and I think, it’s got to a point where, like coach Tim said earlier, we want to be able to dominate Asian basketball. I think with the team we have; I think that’s very possible to do.”
Matatandaang si Brownlee ang trumangko sa makasaysayang gintong medalya ng Gilas noong 2023 sa Hangzhou, China para wakasan ang 61-taong pagkagutom ng Pinas sa kampeonato.
Sa Asia Cup, nakaatang naman sa kanyang balikat ang pag-asang maputol ng Gilas ang 40-taong title drought sa Asia Cup.
Dadagdag ito sa makulay niyang karera bilang resident PBA import ng Ginebra noon pang 2016 at Gilas naturalized player tampok ang 6 na PBA titles, 3 Best Import awards at Southeast Asian Games gold medal.
Bagama’t tiwala sa kanyang mga kasangga, aminado rin si Brownlee na hindi magiging madali ang kanilang misyon lalo’t haharang sa kanilang daan ang bigating Australia, China, Japan, South Korea, New Zealand, Lebanon at Jordan na siyang nakalaban nila sa Asian Games finals.
“Man, it’s an incredible challenge you know. You got some really good teams out there,” ani Brownlee sa pagharap ng Gilas simula sa Group D kontra sa New Zealand, Iraq at Chinese Taipei.
- Latest

















