Dehadista pinasaya ng Push My Luck
MANILA, Philippines — Nanalong dehado ang Push My Luck nang silatin ang super liyamadong Ms. Pinkerton sa 3-Year-Old Maiden Race (Non Placers) na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Nakitaan ng determinasyon ang Push My Luck na nirendahan ni veteran jockey Dan Camanero, paglabas ng aparato ay sinunggaban agad ang bandera.
Kumapit ang Tinn City pero hindi hinayaan ng Push My Luck na maagaw ang unahan, lamang ito ng kalahating kabayo sa kalagitnaan ng karera, pangatlo ang Shakti habang pang-apat ang Ms. Pinkerton.
Subalit pagdating ng far turn ay dinikitan ng Tinn City at ng Ms. Pinkerton ang Push My Luck pero hindi pa rin bumigay ang winning horse.
Pagsapit ng huling kurbada ay nasa dalawang kabayo na ang lamang ng Push My Luck sa humahabol na Ms. Pinkerton at nanatili sa unahan sa rektahan kaya magaan nitong tinawid ang finish line.
Lamang ng apat na kabayo ang Push My Luck sa sumegundong Ms. Pinkerton, tersero ang Reina Margaretta habang pang-apat ang Tinn City sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Nirehistro ng Push My Luck ang tiyempong 1:28.4 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Cezar Avila Jr. ang P15,000 added prize.
Kinubra naman ng breeder ng nanalong kabayo ang P4,500.
- Latest
















