Biado, Chua sasargo sa World Pool
MANILA, Philippines — Pangungunahan nina Carlo Biado at Johann Chua ang 17 Pinoy cue artists na sasargo sa World Pool Nine-ball Championship sa Green Halls sa Jeddah, Saudi Arabia na magsisimula ngayong araw.
Kabuuang 128 pool players ang tutumbok sa nasabing event na nakalaan ang $1 milyon guaranteed prize kung saan puntirya ng two-time World Champion na si Biado at ng 2023 World Cup of Pool co-champion na si Chua at 15 pang Pinoy ang tumataginting na $25,000 premyo para sa magkakampeon.
Ang iba pang Filipino cue masters na makakasama nina Biado at Chua ay sina AJ Manas, James Aranas, Lee Van Corteza, Jefrey Roda, Anton Raga, Bernie Regalario, Roland Garcia, Alexis Ferrer, Jeffrey Ignacio, Marvin Asis, Marlon Caneda, Patrick Gonzales, Michael Baoanan, Mark Kalagayan at Michael Feliciano.
Dedepensahan naman ni Fedor Gorst ng USA ang kanyang titulo at dahil tutumbok din sina dating world champions Francisco Sanchez Ruiz ng Spain at Shane Van Boening ng America ay tiyak na dadaan sa butas ng karayom ang mga Pinoy bago masikwat ang titulo.
Kasali rin ang crowd favorites na sina Joshua Filler ng Germany, Ko Pin Yi ng Chinese Taipei at Jayson Shaw ng Great Britain.
Samantala, paniguradong huhugot ng lakas si Chua sa kanyang momentum dahil sariwa pa ito sa pagsilo ng korona sa katatapos lamang na Knight Shot 9-ball Open na inilaro sa Impulse Snooker & Billiards Cafe, Oud Metha, Dubai, UAE, noong Biyernes.
Mga beterano rin ang ibang Pinoy na kasali kaya makikitaan ang mga ito ng determinasyon sa pagsimula ng tumbukan.
- Latest

















