Morally unang Prince Cup champion
MANILA, Philippines — Napabilib ng Morally ang mga racing fans matapos hablutin ang unang panalo sa bagong stakes race na 2025 “Prince Cup” na inilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Kumaripas na umarangkada ang Calculus, Anytime Anywhere at Petit Fusee subalit hindi nagpaiwan ang Morally kaya apat na kabayo ang nagtagisan ng bilis sa unahan sa kaagahan ng karera.
Pagsapit sa kalagitnaan ng karera ay bahagyang umungos ng isang kabayong agwat ang Calculus sa humahabol na Anytime Anywhere at Morally.
Mas lalong uminit ang labanan sa unahan habang papalapit ng far turn.
Ito ay matapos kapitan ng Anytime Anywhere at Morally ang bumabanderang Calculus, habang rumeremate naman ang Tiz The Moon.
Nakuha ng Morally ang bandera sa huling kurbada at lalong naging maigting ang bakbakan dahil bukod sa hindi basta nagpapadaig ang Calculus ay malakas naman ang dating ng Tiz The Moon sa bandang labas.
Determinadong manalo kaya lalo pang umungos ang Morally sa huling 100 metro ng karera at naka-lamang na ito ng tatlong kabayo sa humahabol na Tiz The Moon.
Ginabayan ni veteran jockey Mark Angelo Alvarez, inirehistro ng Morally ang 1:23.6 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Gabriel Gaerlan ang P1,05,000 premyo.
Nakopo ng Tiz The Moon ang P393,750, habang ang P218,750 at P87,500 ay ibinigay sa third at fourth placers na Gain at Rumored, ayon sa pagkakasunod.
- Latest






















