SGA kampeon sa Jones Cup

MANILA, Philippines — Winasiwas ng Strong Group-Philippines ang Bahrain, 92-68, para masikwat uli ang kampeonato sa 2025 William Jones Cup kahapon sa Xinzhuang Gymnasium sa Taiwan.
Umangat sa 7-0 kartada ang Strong Group at sigurado na sa titulo kahit may isa pang laban kontra sa kulelat na United Arab Emirates (0-7) ngayon.
Wagi kasi ang pambato ng Pinas kontra sa host na Chinese Taipei-Bue, 67-56, sa tournament opener na siya na lamang pwedeng makatabla sa kanila kung mananalo man ito sa huling duwelo kontra sa Qatar at Japan.
Tournament sweep nalang ang hangarin ng mga bataan ni coach Charles Tiu ngayon subalit nasungkit na ang kasaysayan bilang kauna-unahang back-to-back champion mula sa Pilipinas sa 44 taon ng Jones Cup.
Sa kabuuan, ito na ang ika-8 titulo ng Pinas pagkatapos ng Northern Cement (1982), San Miguel (1985), Philippine Centennial Team (1998), Gilas Pilipinas (2012) at Mighty Sports.
“It feels great to win again. We prepared hard for this tournament. Our players played hard throughout—from the locals to the imports. I tip my hat off to this great group of guys,” ani Tiu.
Pumaldo ng 25 puntos at 14 rebounds si dating NBA standout Andre Roberson habang may ambag na 19 at 12 puntos sina Tajuan Agee at Javi Gomez de Liaño, ayon sa pagkakasunod.
- Latest
















