Nitura umukit ng bagong UAAP record
MANILA, Philippines — Nakapagtala ng scoring record si super rookie Shaina Marie Nitura sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament matapos umiskor ng 37 points nang silatin nila ang Far Eastern University, 14-25, 29-27, 25-22, 25-22, kahapon na nilaro sa Araneta Coliseum.
Hindi lang single-season scoring record ang inukit ni Nitura, inungusan din nito ang 312 points na naitala ni volleyball superstar Alyssa Valdez sa Season 77 noong 2015, may kabuuang 314 puntos na ito at may dalawang laro pa siyang nalalabi.
Pangatlong 30-point outing na rin ito ni Nitura, umiskor din siya ng 36 nang matalo sila sa University of Sto. Tomas sa limang set at 32 markers nang bulagain naman nila sa apat na sets ang defending champion National University.
May kartang 5-7 ang Adamson at kahit manalo sa dalawang natitirang laban ay hindi na rin sila makakausad sa susunod na phase matapos magtagumpay ang UST sa UE, 25-19,25-16, 25-15 sa unang laro.
Dahil din sa panalo ng Adamson, inilagay nito sa alanganing posisyon ang FEU sa hangad nilang makasampa sa magic four.
Tangan ng Lady Tams ang 8-5 record, nasa pang-apat na puwesto sila ng team standings, nasa pangatlo ang UST habang nasa pang-lima ang University of the Philippines na hawak ang 5-6 baraha.
- Latest