Pacers dinakma ang No. 4 spot sa East

INDIANAPOLIS — Iniskor ni Tyrese Haliburton ang walo sa kanyang 23 points sa fourth quarter, habang may 22 markers si Aaron Nesmith para banderahan ang Indiana Pacers sa 114-112 pagtakas sa Cleveland Cavaliers.
Ang ikaanim na sunod na arangkada ng Pacers (49-31) ang nagbigay sa kanila ng No. 4 berth at home-court advantage sa playoff series sa Eastern Conference sa unang pagkakataon simula noong 2014.
Isang panalo na lang ang kanilang kailangan para maiposte ang 50-win season sapul noong 2013-14.
Nagtala rin si Haliburton ng 10 assists, 8 rebounds at 3 blocks, habang humakot si center Myles Turner ng 13 points, 7 rebounds at 4 blocks.
Pinamunuan ni Ty Jerome ang Cavaliers (63-17) sa kanyang 24 points kasunod ang 23 markers ni De’Andre Hunters na mayroon ding 11 rebounds.
Naimintis ni Jaylon Tyson ang kanyang midrange jumper sa huling posesyon ng Cleveland sa pagtunog ng final buzzer na pumuwersa sana sa Indiana sa overtime.
Sa Detroit, bumira si star forward Cade Cunningham ng 36 points sa 115-106 pagpapabagsak ng Pistons (44-36) sa New York Knicks (50-30).
Sa Milwaukee, kumolekta si Giannis Antetokounmpo ng 28 points at 11 rebounds sa 136-111 pagdurog ng Bucks (46-34) sa New Orleans Pelicans (21-59).
Sa Memphis, kumamada si Anthony Edwards ng 44 points sa 141-125 pagpulutan ng Minnesota Timberwolves (47-33) sa Grizzlies (47-31).
- Latest