Ika-3 dikit pakay ng FEU sa Adamson
MANILA, Philippines — Pakay ng Far Eastern University na suwagin ang three-game winning streak sa pagharap sa Adamson University sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Ibabangga ni FEU mentor Tina Salak ang kamador niyang si Faida Bakanke para masikwat ang panalo kontra sa Adamson ngayong alas-3 ng hapon pagkatapos ng bakbakan ng University of Sto. Tomas at University of the East sa ala-1 ng hapon.
Nasa pangatlong puwesto ang Lady Tamaraws tangan ang 8-4 record, solo sa tuktok ang defending champion National University Lady Bulldogs (9-2) kasunod ang La Salle Lady Spikers (8-3).
Sa huling laro ng FEU, tumikada si Bakanke ng 20 markers para akbayan ang koponan sa 25-21, 25-16, 14-25, 26-24 panalo laban sa University of the Philippines.
Inaasahang makakatuwang ni Bakanke sina Chenie Tagaod, Gerzel Mary Petallo, Jazlyn Ann Ellarina, Jean Asis at Christine Ubaldo para harapin ang Adamson.
Isasabak ng Lady Falcons si super rookie Shaina Nitura laban sa Lady Tamaraws.
- Latest