Junior Altas tinapos agad ang Red Cubs
MANILA, Philippines — Hindi na nagpatumpik-tumpik ang University of Perpetual Help System DALTA para makabalik sa championship round ng NCAA Season 100 juniors basketball tournament.
Ito ay matapos sibakin ng No. 1 Junior Altas ang No. 4 San Beda Red Cubs, 96-87, sa Final Four kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Kumolekta si rookie Dan Rosales ng 19 points, 6 rebounds, 2 assists at 1 steal sa pagbabalik ng Perpetual sa finals matapos mabigo sa back-to-back champions Letran sa Season 99.
“Hindi pa po kami kuntento dito na nanalo kami sa semis,” ani Rosales sa Junior Altas na may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four kagaya ng Squires. “Pag-iigihan pa po namin at sa training po magsisimula.”
Samantala, humirit ang No. 3 St. Benilde-LSGH Greenies ng ‘do-or-die’ game laban sa No. 2 Squires matapos itakas ang 78-74 overtime win.
Nagdagdag si Jan Roluna ng 15 points para sa Perpetual habang tumipa si JD Pagulayan ng 13 markers, 5 rebounds at 1 steal.
Itinakda ang ‘winner-take-all’ match ng Letran at St. Benilde-LSGH bukas kung saan ang mananalo ang sasagupa sa Perpetual sa finals.
Bumandera ang San Beda sa first period bago magpakawala ang Las Piñas crew ng isang 26-9 atake para agawin ang 51-40 halftime lead.
Bumida si Pagulayan sa third quarter para gabayan ang Junior Altas sa 68-56 paglayo sa Red Cubs patungo sa 90-81 bentahe sa huling 3:23 minuto ng final canto.
- Latest