Pistons kumuha ng playoff spot
TORONTO - Kumamada si Tim Hardaway Jr. ng 23 points habang humakot si Jalen Duren ng 21 points at 18 rebounds sa 117-105 paggiba ng Pistons sa Toronto Raptors at kunin ang una nilang playoff berth sapul noong 2018-19.
Umiskor din si Malik Beasley ng 21 points kasunod ang 16 markers ni Dennis Schroeder para sa Detroit (43-34) na nagtala ng franchise-worst 14 games sa nakaraang season kasama ang NBA-record 28-game losing slump.
Hindi naglaro sa ikaanim na sunod na pagkakataon si All-Star guard Cade Cunningham dahil sa isang bruised left calf bukod kay Tobias Harris (right heel).
Pinamunuan ni Ja’Kobe Walter ang Toronto (28-50) sa kanyang 22 points at may tig-14 markers sina Immanuel Quickley at Jamal Shead.
Sinamantala ng Pistons ang hindi pagsalang nina Scottie Barnes, RJ Barrett at Ochai Agbaji para iposte ang 103-93 abante sa dulo ng fourth quarter.
Sa Houston, naglista si Fil-Am Jalen Green ng 34 points at may 31 markers si Alperen Sengun sa 125-111 pagpapasabog ng Rockets (51-27) sa Oklahoma City Thunder (64-13) at tapusin ang 11-game winning streak nito.
Sa Los Angeles, bumira si Luka Doncic ng 35 points kasunod ang 30 markers ni Austin Reaves at 27 points ni LeBron James sa 124-108 panalo ng Lakers (47-30) sa New Orleans Pelicans (21-56).
- Latest