UST tutok sa back-to-back wins
MANILA, Philippines — Puntirya ni reigning Rookie of the Year Angge Poyos at ng University of Santo Tomas na sakmalin ang unang back-to-back wins sa second round sa pagharap nila sa Ateneo de Manila University sa 87th UAAP women’s volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Naitakas ng Golden Tigresses ang dikdikang panalo laban sa Adamson Lady Falcons, 25-18, 23-25, 22-25, 27-25, 15-8, noong Miyerkules para hawakan ang 6-4 record at saluhan ang Far Eastern University Lady Tamaraws sa No. 3 spot sa team standings.
Magpapaluan ang UST at Ateneo ngayong ala-1 ng hapon kasunod ang bakbakan ng De La Salle University at University of the East sa alas-3 ng hapon.
Nagliyab sa opensa si Poyos sa panalo ng Golden Tigresses sa Lady Falcons matapos tumikada ng 27 points mula sa 25 attacks, isang block at isang service ace bukod sa 15 excellents receptions.
“Hopefully iyong consistency ng game namin, makuha namin,” ani UST coach Kungfu Reyes. “Fortunately, na-overcome namin ‘yung mga excess baggage na bitbit ng mga bata, kasi nag-o-overthink na somehow.”
Misyon ng Golden Tigresses na umangat sa solo third spot at kumawala pansamantala sa Lady Tamaraws.
Umaasa naman ang Blue Eagles, nagdadala ng 4-6 kartada, na mananatiling buhay ang tsansa sa Final Four na magbabawi sa kanilang 21-25, 17-25, 20-25 straight set loss sa Lady Spikers.
- Latest