Tour of Luzon
Magbabalik na ang matagal hinintay ng marami – Tour of Luzon revival na nakatakda April 24-May 1.
Naglabas na ng kaunting pangiliti ang organizers ukol sa event. Pero ngayong araw na ito malalaman ang buong detalye sa official presser na nakatakda sa Meralco Lighthouse sa Pasig.
Nailabas na sa socmed ang ruta ng karera na sisipa sa Laoag City sa April 24 at matatapos sa Camp John Hay sa Baguio sa May 1.
Pagkatapos ng mahabang panahon, muling masusubukan ang Pinoy cyclists sa mahabang karera, hindi gaya ng mga four-day races na naihatid ng Le Tour at Ronda.
Malayong maigsi pa rin ito kumpara sa maningning na Marlboro Tour, pero malaking kasiyahan na sa mga siklista, at syempre ganoong din sa mga Tour followers.
Maalala ang mga pangalang Sumalde, Padilla, Reynante, Rivas, Bonzo, Garcia, Moring, Catambay, Sicam. Later on, sina Guieb, Dolosa, Llentada, Igos, Valdez – mga pangalang halos kasintunog noon ng Jaworski, Fernandez, Arnaiz, Co, Adornado, Cezar, Guidaben at Hubalde.
Sila ang mga bida pagdating ng tag-init, sumasagitsit sa highway sa ilalim ng mainit na araw.
Sa pagbabalik ng Tour of Luzon, mabibisita nila ang mga bayan at syudad na dadaanan ng mga rutang Laoag-Laoag (U-turn Pagudpud/Patapat), Laoag-Vigan, Vigan-Agoo, Agoo-Clark, Clark-Clark, Clark-Lingayen, Lingayen-Lingayen at Lingayen-Baguio (via Kennon).
Handa na ang entourage. Handa nang pumadyak at magtampisaw sa kinang ng pinakahihintay na Tour of Luzon.
- Latest