Gilas kakasa sa FIBA Asia Cup
MANILA, Philippines — May isang dosenang team na ang pumasok sa FIBA Asia Cup proper na gaganapin sa Agosto 5 hanggang 17 sa Jeddah, Saudi Arabia.
Nangunguna na sa listahan ang Gilas Pilipinas na tinapos ang kampanya nito tangan ang 4-2 marka sa Group B para masiguro ang silya sa FIBA Asia Cup.
Kasamang nagkwalipika ang nangunang New Zealand na bitbit ang 5-1 baraha.
Nakatiyak na rin ng tiket ang powerhouse at defending champion Australia at South Korea mula naman sa Group A.
Sa ibang grupo, umabante rin ang Paris Olympics qualifier Japan at China sa Group C, Jordan sa Group D, Iran at Qatar sa Group E, at ang Lebanon at Syria sa Group F.
Awtomatiko namang mabibiyayaan ng tiket ang Saudi Arabia ang magsisilbing host country sa torneo.
May apat na slots pa ang paglalabanan ng mga ibang teams upang makumpleto ang 16-squad lineup para sa FIBA Asia Cup proper.
Base sa mga nakapasok, dekalibre ang mga koponang makakalaban ng Gilas Pilipinas.
Una na ang Australia na may dalawang titulo sa torneo — noong 2017 at 2022.
Nariyan pa ang China na 16 beses na nagkampeon kabilang ang huling korona nito na nakuha noong 2015 edisyon.
May walong korona naman ang Iran noong 2007, 2009 at 2013 habang may dalawa sa South Korea (1969 at 1997) at Japan (1965 at 1971).
Hindi naman papakabog ang Pilpinas na may limang korona — noong 1960, 1963, 1967, 1973 at 1985.
May apat na dekada nang hindi nagkampeon ang Pilipinas sa naturang torneo kaya’t desidido ang Gilas na muling gumawa ng kasaysayan gaya ng ginawa nito sa 2023 Asian Games sa Hangzhou, China.
Kaya naman inihahanda na ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ang mga plano nito para masigurong preparado ang kanyang tropa sa kabila ng malakas na puwersang nakaabang sa kanila.
Malaking tulong ang mga laban nito sa Doha International Cup at sa katatapos na final window ng FIBA Asia Cup Qualifiers upang mas lalo pang mahasa ang Gilas.
“So everything we do, it’s cumulative. It’s cumulative experiences. We are trying to take each window as an experience and move it onto the next one and onto the next one, and hopefully grow it and improve,” ani Cone.
- Latest