Wemby nagpasiklab kay Giannis
SAN ANTONIO -- Humakot si Victor Wembanyama ng 30 points, 14 rebounds at 6 blocks para gabayan ang Spurs sa 144-118 paglampaso sa Milwaukee Bucks.
Nagdagdag si Keldon Johnson ng 24 points kasunod ang 20 markers ni Stephon Castle sa pagpigil ng San Antonio (21-24) sa kanilang two-game losing skid.
Nabalewala ang hinakot na 35 points at 13 rebounds ni Giannis Antetokounmpo para sa Milwaukee (26-20) na nakahugot kina Damian Lillard at Khris Middleton ng 22 at 21 markers, ayon sa pagkakasunod.
Nagpasikat ang 7-foot-3 na si Wembanyama isang araw matapos hiranging All-Star Game bilang Western Conference reserve.
Isinara ng French star center ang third quarter sa isinalpak na running, one-legged three-pointer para sa 115-111 abante ng Spurs bago sila umiskor ng 29 points sa fourth period kumpara sa 17 markers ng Bucks.
Sa New Orleans, ipinasok ni Jayson Tatum ang isang jumper sa huling 0.7 segundo para sa 118-116 pagtakas ng nagdedepensang Boston Celtics (34-15) kontra sa Pelicans (12-37).
Sa Philadelphia, kumolekta si Nikola Jokic ng 28 points, 13 assists at 9 rebounds at may 31 markers si Jamal Murray sa 137-134 paglusot ng Denver Nuggets (29-19) sa 76ers (19-28).
Sa San Francisco, naglista si Devin Booker ng 31 points at 11 assists habang may 19 markers si Kevin Durant sa 130-105 pagsunog ng Phoenix Suns (25-22) sa Golden State Warriors (24-24).
- Latest


















