Back-to-back wins target ng Galeries sa Chery Tiggo
MANILA, Philippines — Ang ikalawang sunod na panalo ang target ng Galeries Tower sa pagharap sa Chery Tiggo sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference.
Lalabanan ng Highrisers ang Crossovers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang buntalan ng Cignal HD Spikers at Petro Gazz Angels sa alas-6:30 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Iniskor ng Galeries Tower ang una nilang panalo sa torneo matapos ang 0-4 panimula mula sa 26-24, 25-14, 25-23 pagwalis sa Capital1 Solar Energy noong nakaraang Sabado sa Cebu City.
“We’re really hoping to get many, many more wins this conference. And, siyempre, paghihirapan talaga namin ‘yun,” sabi ni rookie setter Julia Coronel sa kanilang panalo.
Muling makakatuwang ni Coronel sina Jewel Encarnacion, Ysa Jimenez, Andrea Marzan at France Ronquillo.
Nakalasap naman ang Chery Tiggo ng 25-22, 24-26, 18-25, 20-25 kabiguan sa Akari para sa 3-2 marka sa huli nilang laro.
Sina Cess Robles, Pauline Gaston, Ara Galang at Aby Maraño at Mary Rhose Dapol ang muling babandera sa Crossovers.
Sa ikalawang laro, hangad ng Cignal (4-0) na muling masolo ang liderato sa pakikipagtuos sa Petro Gazz (4-1).
Galing ang HD Spikers sa paggupo sa Nxled Chameleons at nakatikim ang Gazz Angels sa panalo sa PLDT High Speed Hitters.
- Latest