Cignal tinalo ang Nxled sa Cebu
MANILA, Philippines — Winalis ng Cignal HD ang minamalas na Nxled, 25-18, 25-22, 25-23, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Minglanilla Sports Complex sa Cebu City.
Ito ang ikaapat na sunod na arangkada ng HD Spikers para solohin ang liderato kasabay ng paghuhulog sa Chameleons sa pang-limang dikit na kamalasan.
Pumalo si Vanie Gandler ng 13 points mula sa 9 attacks, 3 blocks at isang service ace habang may 10 markers si Ces Molina para banderahan ang Cignal.
“I’m really happy with my team. It’s really a team effort and we were able to survived the distractions that happened,” ani Gandler.
Ang tinutukoy ni Gandler ay ang power outage sa venue na tumagal ng 15 minuto kung saan angat ang Nxled sa 16-14.
Matapos ito ay inagaw ng tropa ni coach Shaq delos Santos ang 19-16 bentahe patungo sa 24-21 kalamangan mula sa hataw ni rookie Ishie Lalongisip.
Pumalag ang Chameleons sa 22-24 matapos ang block kill ni Kyla Atienza sa hataw ni Lalongisip.
Tinapos naman ni Molina ang laro para sa HD Spikers sa kanyang matulis na spike.
- Latest