RJ masaya sa learning experience
MANILA, Philippines — Kinapos ang tropa ni RJ Abarrientos na Barangay Ginebra sa katatapos na PBA Governors’ Cup.
Natalo ang Gin Kings sa Talk ’N Text Tropang Giga sa Game 6 ng best-of-seven championship series sa iskor na 2-4.
Sa kabila ng kabiguan, magandang experience ito para kay Abarrientos dahil sa mga aral na nakuha nito sa buong panahon ng finals series.
“This game is more on learnings, not losing. So dadalhin ko ito, lalagay ko ito sa pocket ko,” ani Abarrientos.
Alam ni Abarrientos na marami pa itong kakaining bigas upang mapunan ang anumang pagkukulang.
“Paghihirapan ko pa kung ano naman yung kakulangan na yun,” ani Abarrientos.
Maganda ang inilaro ni Abarrientos sa Game 6 kung saan nagpasabog ito ng 31 puntos.
Subalit hindi ito sapat para buhatin ang Gin Kings.
Umani ang Ginebra ng 85-95 kabiguan sa kamay ng TNT para tuluyang maglaho ang pangarap nitong makuha ang kampeonato sa kumperensiya.
Isa sa mga ipinunto ni Abarrientos ang mga natutunan nito kay TNT point guard Jayson Castro na siyang itinanghal na Finals MVP.
- Latest






















