Kai mainit sa Japan
MANILA, Philippines — Patuloy ang matikas na inilalaro ni Kai Sotto para buhatin ang Koshigaya Alphas na makapasok sa win column ng Japan B.League Division 1.
Naitarak ng Alphas ang 88-81 desisyon kontra sa Shimane Susanoo Magic upang makuha ang pambuenamanong panalo ng tropa sa Wing Hat Kasukabe.
Nagrehistro si Sotto ng impresibong double-double na 22 puntos tampok ang 15 markers sa second half, at 10 rebounds kasama pa ang dalawang steals, isang assist at isang block.
Umangat ang Alphas sa 1-4 marka.
Nakatuwang ng 7-foot-3 Pinoy cager si American import LJ Peak na humataw ng 24 puntos, tatlong steals at dalawang assists habang nagdagdag naman si Jeff Gibbs ng 15 puntos, walong boards at pitong assists.
“We are relieved that we were able to capture our first win this season. We are also grateful for the support of our fans here,” ani Alphas team captain Ryoma Hashimoto.
Nakakuha rin ng panalo si AJ Edu na may nailistang anim na puntos at pitong rebounds para makatulong sa 78-72 panalo ng Nagasaki Velca kontra sa Gunma Crane Thunders sa larong ginanap sa Openhouse Arena Ota.
Sumulong sa 4-1 ang Nagasaki habang may 2-3 naman ang Gunma.
Wagi naman ang tropa ni Matthew Wright na Kawasaki Brave Thunders kontra sa team ni Kiefer Ravena na Yokohama B-Corsairs sa pamamagitan ng 88-81 overtime win.
- Latest