UST hiniya ng Ateneo
MANILA, Philippines — Pinabagsak ng Ateneo de Manila University ang University of Sto. Tomas sa kanilang bakuran matapos tukain ang 67-64 panalo sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa UST Quadricentennial Pavilion, kahapon.
Maka-ilang beses nagbalak ang Growling Tigers na makatabla sa clutch pero binigo sila ng Blue Eagles para ilipad ng huli ang pangatlong panalo sa siyam na laro at saluhan sa No. 6 ang Far Eastern University.
May 16 segundo na lang sa fourth quarter kung saan ay lamang ang Ateneo ng dalawang puntos, bola ng Growling Tigers at posibleng maitabla nila ang iskor o makalamang ng isa pero nabasa ni Sean Quitevis ang inbound pass ni Forthsky Padrigao kay Nic Cabañero kaya nakapuntos ang Katipunan-based team mula sa fastbreak layup, 66-62.
Umiskor si Kyle Paranada para sa UST kaya dalawa ulit ang lamang ng Blue Eagles pero naging tatlo matapos ang split charity ni Ian Espinosa.
Huling tsansa ng España-based squad na makahirit ng overtime game pero natapik ang bola kay Christian Manaytay at inabutan na ito ng oras.
Nilista ni Andrew Bongo ang game-high 14 points at pitong rebounds habang bumakas si Espinosa ng 11 markers anim na boards para sa Blue Eagles na ipinalasap sa Growling Tigers ang pang-anim na talo sa siyam na salang.
Nag-ambag din sina Chris Koon at Shawn Tuano ng tig-10 markers para sa Ateneo.
- Latest