Knights isinara ang 1st round sa panalo
MANILA, Philippines — Isinara ng Letran College ang first round mula sa 78-66 pagbugbog sa Lyceum of the Philippines University sa NCAA Season 100 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Bumalikwas ang Knights mula sa naunang kabiguan sa nagdedepensang San Beda Red Lions para iposte ang 6-3 record.
Lagapak ang Pirates sa 4-5.
“I’m happy with the performance of the boys, medyo nagdikdik na sila,” ani coach Allen Ricardo. “But sa akin more of iyong reaction nila offensively and defensively, which is iyon ang lagi kong sinasabi sa kanila.”
Humakot si big man Kevin Santos ng 17 points, 11 rebounds at 3 blocks para pamunuan ang Letran na kinuha ang 42-38 halftime lead bago iniwan ang Lyceum sa third period, 57-47.
Ang three-point shot ni Jimboy Estrada ang nagbigay sa Knights ng 74-62 abante sa Pirates sa huling 2:01 minuto ng final canto.
Samantala, umiskor si Jomel Puno ng 16 points para tulungan ang San Beda sa 63-62 pagtakas sa University of Perpetual Help System DALTA.
Itinaas ng Red Lions ang kanilang baraha sa 5-3 tampok ang back-to-back wins, habang laglag ang Altas sa 4-5 marka kasama ang tatlong dikit na kamalasan.
Nagdagdag si Yukien Andrada ng 11 markers kasunod ang 10 points ni RC Calimag para sa San Beda na inilista ang 60-49 kalamangan sa pagbubukas ng fourth period.
Bumanat ng isang 13-3 bomba ang Perpetual sa pamumuno ni John Abis para makadikit sa 62-63 sa huling 1:41 minuto nito.
Mintis ang dalawang three-point shots nina Altas rookie guard Mark Gojo Cruz at big man JP Boral na nagpreserba sa panalo ng Red Lions.
- Latest