Halimaw sa Game 4?
Hindi mahirap isipin at asahan na mas malaking halimaw ang San Miguel Beer sa pagpapatuloy ng kanilang kampanya sa PBA Governors’ Cup playoffs.
Masakit na pagkakadapa ang tumama sa kanila sa Game 3 ng kanilang best-of-five quarterfinal series versus Converge. Pulling away na, tangan ang 27-point lead, at natalisod pa, 112-114.
At nadagdagan pa ang sama ng loob nina coach Jorge Gallent at koponan nang malasap ang 81-87 loss kontra Korean team Suwon KT Sonicboom sa pagsisimula ng 2024-25 EASL season sa MOA Arena noong nakaraang gabi.
Sa harap ng home fans, taob ang mga Beermen.
At malungkot ang tropa dahil obvious na mas seryoso na sila ngayon sa kanilang kampanya sa EASL. Hindi gaya dati na pa-warde-warde lang ang mga PBA teams, kaya naman salengkwang kontra counterparts mula Korea, Japan at Chinese Taipei.
Matagal pa ang susunod na EASL assignment kaya’t balik ang focus nina Gallent sa PBA Governors’ Cup playoffs.
At iyan ang nakakatakot para sa FiberXers.
Nadupilas na isang beses, malamang na todo konsentrasyon na ang mga Beermen para tapusin ang serye at ikamada na ang highly anticipated SMB-Ginebra semis matchup.
Pero siyempre, susubok muli ang FiberXers na makaisa uli.
Kung magagawa ito, malamang na mas malakas na dagundong ang maririnig mula sa Converge dugout.
“Times three” daw ang bonus ng FiberXers nang silatin nila ang Beermen noong Game Three.
- Latest