Enigma Uno, Earli Boating kakasa sa Sampaguita Stakes race
MANILA, Philippines — Magsasanib-puwersa ang Enigma Uno at Earli Boating pagsalang nila sa 2024 “Sampaguita Stakes Race” na ilalarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas sa Setyembre 29.
Gagabayan nina reigning Philippine Sportswriters Association (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce at Andreu Villegas ang Enigma Uno at Earli Boating, ayon sa pagkakasunod kung saan haharapin nila ang pitong tigasing kabayong nagdeklara ng pagsali.
Ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta ang nakalaan na P1M guaranteed prize sa distansyang 2,000 meter race, ang ibang nominado ay ang Secretary, Cam From Behind, Eutychus, I Under Oath, Palauig, Sophisticated at Winner Parade.
Posibleng magpakitang gilas ang kabayong Secretary na sasakyan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate at Palauig na rerendahan ni dating PSA-JoY awardee Patricio Ramos Dilema.
Hahamigin ng mananalong kabayo ang P600,000, mapupunta sa second placer ang P200,000, sa third ang P100,000 habang P50,000, P30,000 at P20,000 ang fourth hanggang sixth, ayon sa pagkakasunod.
Kukubrahin din ng breeder ng mananalong kabayo ang P50,000 habang P30,000 at P20,000 ang second at third.
Samantala, sa susunod na buwan naman pasisibatin ang PHILRACOM-PCSO Silver Cup na ikakasa rin sa parehong lugar kaya tiyak na magsasaya ang mga karerista sa pakakawalang stakes races.
- Latest