Caloy Yulo maraming pagsubok na pinagdaanan
MANILA, Philippines — Hindi maitatanggi na maraming nakasalamuhang problema si Carlos Yulo.
Subalit nalampasan ito ng Pinoy world champion para maabot ang minimithing tagumpay — ang dalawang gintong medalyang napanalunan nito sa 2024 Paris Olympics.
Nagbuhos ito ng dugo’t pawis sa loob ng ilang taong pagsasanay para makuha ang perpektong porma na nagdala sa kanya sa tugatog ng tagumpay.
Sinariwa ni Yulo ang ilan sa mga naging karanasan nito partikular na sa training camp na pinagdaanan nito sa Japan noong nagsisimula pa lamang ito.
Nagsimula ito sa gymnastics noong 2007.
Nang mapanood nito ang London Olympics noong 2012, mas lalong ginanahan si Yulo na magsanay.
“Noong 2007 po ako nag-start sa gymnastics pero noong napanood ko yung 2012 London Olympics doon po ako nagsimulang mangarap,” ani Yulo sa panayam ni Luis Manzano sa kanyang streaming account.
Kaya naman nagpursige ito sa training.
Naging scholar si Yulo para makapagsanay sa Japan.
Mag-isa lamang ito kasama ang kanyang coach na si Japanese mentor Munehiro Kugimiya.
Dumaan sa matinding pagsubok si Yulo kaya’t minsan naisip nitong sumuko na lamang.
“Maraming beses na gusto ko na umuwi ayoko na. Kasi sa Japan po ako nagtraining. Pero by the next day, pupunta pa rin naman ako sa training,” ani Yulo.
Pero hindi ito bumigay. Naging sandalan nito ang dasal para mabigyan ito ng guidance sa pagdedesisyon.
Dahil sa pagiging matatag ni Yulo, nagawa nitong maisakatuparan ang inaasam na tagumpay.
- Latest