Basheirrou dinomina ang Sprint Race
MANILA, Philippines — Bahagyang napahirapan sa unahan pero ipinakita pa rin ng Basheirrou ang husay nito sa karerahan matapos sikwatin ang korona sa 2024 PHILRACOM “4-Year-Old Sprint Race” na nilarga sa metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Kumaripas agad ang Secretary, Basheirrou at Gusto Mucho sa largahan at nagtagisan agad ng bilis sa unahan pero makalipas ang unang 200 metro ng labanan ay umungos ng kalahating kabayo ang winning horse.
Pagdating ng far turn ay lamang na ng isa’t kalahating kabayo ang Basheirrou sa humahabol na Secretary habang nasa pangatlo na ang Sky Story.
Lalong ginanahan manakbo ang Basheirrou pagsungaw ng rektahan, umalagwa sa dalawa’t kalahating kabayo na ang kanyang bentahe kaya magaan nitong tinawid ang finish line.
Ginabayan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) -Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez, nirehistro ng Basheirrou ang tiyempong 57.6 segundo sa 1,000 meter race.
Hinamig ng Basheirrou ang premyong P180,000, napunta sa second placer na Gusto Mucho ang P67,500 habang P37,500 at P15,000 ang third at fourth na Secretary at Istulen Ola, ayon sa pagkakasunod.
Nagbulsa rin ang breeder ng nanalong kabayo na si Melaine Habla ng P15,000 habang P9,000 at P6,000 ang second at third place.
- Latest