Constatic Offer ginulat ang mga karerista
MANILA, Philippines — Binulaga ng dehadong Constatic Offer ang mga karerista matapos angkinin ang panalo sa 2024 PHILRACOM - PCSO “2-Year-Old Maiden Stakes Race” na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Humarurot agad sa unahan paglabas ng aparato ang Constatic Offer at hinawakan nito ang apat na kabayong bentahe sa kaagahan ng karera kaya naman papalapit ng far turn ay umalagwa pa ito sa five-length lead.
Pagdating ng huling kurbada ay lumapit ang Catania kay Constatic Offer kaya nagkaroon ng bahagyang tensyon sa rektahan.
Nakadikit na halos sa isa’t kalahating kabayo ang agwat kaya nakatikim si Constatic Offer ng malakas na palo ng latigo mula sa kanyang hinete na si O’Neal Cortez.
Umarya sa palo ng latigo ang Constatic Offer kaya muli itong lumayo at tawirin ang meta ng may tatlong kabayo ang agwat sa pumangalawang si Catania.
Nilista ng Constatic Offer ang tiyempong 1:12.2 minuto sa 1,200 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Antonio V. Tan ang P900,000 premyo habang P337,500 ang naiuwi ng second placer na si Catania.
Nakopo ng breeder ng nanalong kabayo na si Tan din ang P75,000 habang P45,000 at P30,000 ang second at third, ayon sa pagkakasunod sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Pitong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya sulit ang paglilibang ng mga karerista.
- Latest