Gin Kings reresbak sa Beermen
MANILA, Philippines — Walang kapa-kapatid sa magaganap na salpukan ng sibling rivals at top contenders na San Miguel Beer at Barangay Ginebra sa 2024 PBA Governors’ Cup ngayon sa Smart-Araneta Coliseum.
Mag-aagawan ng baso ang Beermen at Gin Kings sa main game sa alas-7:30 ng gabi bilang pagpapatuloy ng kargadong 6-game schedule sa isang linggo ng unang conference ng PBA Season 49.
Bubungad naman sa double-header ang Talk ‘N Text at Converge sa alas-5 ng hapon para sa kaparehong eksplosibong banggaan.
Wala pang galos ang San Miguel Beer sa dalawang salang matapos kaldagin ang Phoenix, 111-107, at Blackwater, 128-108.
Kumamada sa huling panalo nila ang import na si Jordan Adams ng 50 puntos at 11 rebounds kontra sa All-Filipino Bossing matapos sibakin ang underperforming import na si Ricky Ledo.
Bagama’t paborito at nasa momentum ang SMB, hindi naman titiklop basta-basta ang Gin Kings sa pangunguna ng resident import at Gilas Pilipinas naturalized player na si Justin Brownlee.
Sablay ang unang salang ng Ginebra matapos malasap ang 73-64 debut loss kontra sa Rain or Rain or Shine sa Candon City, Ilocos Sur kaya siguradong gigil makapasok agad sa winning column.
Sa unang laro, ikatlong sunod na panalo din ang hangad ng reigning champion na TNT matapos ang 101-95 at 93-73 panalo kontra sa NorthPort at sa Philippine Cup champion Meralco, ayon sa pagkakasunod.
Bibida sa Tropang Giga si reigning Governors’ Cup Best Import Rondae Hollis-Jefferson kontra kay Scotty Hopson ng Converge na may 1-1 kartada matapos ang panalo kontra sa Terrafirma, 127-95, at 105-93 kontra sa Magnolia.
- Latest