Toroman kinuhang consultant ng Converge
MANILA, Philippines — Matapos ang lagpas isang dekada ay magbabalik na sa PBA ang batikang mentor na si Rajko Toroman.
Itinalaga ng Converge FiberXers bilang consultant ang de-kalibreng Serbian head coach para sa paparating na PBA Season 49 na magsisimula sa Governors’ Cup sa Agosto 18 sa Smart-Araneta Coliseum.
Mismong si Toroman ang nag-kumpirma ng kanyang bagong trabaho sa Power and Play program ni dating PBA Commissioner Noli Eala sa Radyo Singko kahapon.
Naatasang umalalay si Toroman kay interim coach Franco Atienza na siyang mamando muna sa Converge bilang kapalit ni Aldin Ayo matapos ang “mutual” na paghihiwalay ng dalawang partido.
Kilala ang 69-anyos na si Toroman bilang arkitekto ng pioneer na Smart Gilas Pilipinas program noong 2009 bago magsilbing consultant din para sa Petron at Barako Bull noong 2012 at 2013, ayon sa pagkakasunod.
Nagpalipat-lipat ng bansa si Toroman buhat noon bago maging program director ng Indonesia na siyang sumilat sa Gilas Pilipinas noong 2022 Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Nagbalik siya sa Pilipinas noong nakaraang taon bilang consultant din ng College of St. Benilde sa ilalim ni head coach Charles Tiu sa NCAA.
Dahil sa kanilang koneksyon, maugong din ang pangalan ni Tiu na mapasama sa Converge coaching staff.
Si Toroman at Tiu ang nagtulungan para gabayan ang Strong Group-Pilipinas na winalis ang 43rd William Jones Cup para iuwi sa Pilipinas ang ika-7 titulo nito.
- Latest