Vargas muling nahalal na chairman
MANILA, Philippines — Nahalal si Ricky Vargas ng Talk ‘N Text upang manatiling chairman ng PBA Board of Governors matapos ang ginanap na eleksyon kahapon sa Osaka, Japan.
Unanimous ang naging boto para sa TNT governor para sa kanyang ikapitong termino na siya nang pinakamahabang serbisyo sa chairmanship ng PBA Board.
Bahagi ang eleksyon ng PBA Board of Governors tampok ang kumpletong attendance mula sa 12 franchises ng planning session sa Swissotel Nankai Hotel sa Osaka para sa paparating na Season 49 at makasaysayang 50th Season sa susunod na taon.
Napili naman bilang bagong vice chairman si Barangay Ginebra representative Alfranchis Chua kapalit ni Tearrafirma governor Bobby Rosales na naupo bilang vice chairman sa limang seasons.
Si Atty. Ogie Narvasa ang bagong secretary at legal counsel ng PBA Board habang balik din bilang treasurer si Atty. Raymond Zorilla ng Phoenix.
Nauna nang napalawig ang termino ni Willie Marcial bilang PBA Commissioner bago pagtibayin uli ng PBA Board sa ginanap na reconfirmation.
Tatagal ang pamunuan ng PBA Board hangggang Season 51 at nakatuon na sa pagbubukas ng Season 49 sa Agosto 18 sa Smart-Araneta Coliseum.
“I’m privileged to stay one more year. So I thank the board for their confidence,” ani Vargas.
“With chairman Ricky, okay ang liga. Siya ang nagdadala sa amin, we follow his decisions and back him up,” dagdag ni Chua.
Samantala, magiging opisyal na ang 4-point shot na sisimulang ipatupad sa PBA Governors’ Cup na magbubukas sa Agosto 18 at 27 feet ang distansya mula sa ring kumpara sa 23 feet ng three-point line.
Ang four-point shot ay isa lamang sa mga pagbabago sa patakaran ng liga na inaprubahan sa planning session sa Swissotel Nankai sa Osaka, Japan.
- Latest