Galanza proud na napasama sa Alas
MANILA, Philippines — Ito ang unang salang ni Creamline star Jema Galanza para sa Alas Pilipinas.
Bagama’t limitado ang ibinigay na playing time sa kanya sa 14-25, 22-25, 21-25 kabiguan ng mga Pinay spikers sa Vietnam sa knockout quarterfinals ng 2024 FIVB Women’s Challenger Cup ay hindi nagdamdam si Galanza.
“Siyempre proud ako naging part nito,” wika ng Cool Smashers outside spiker na isa sa tatlong idinagdag sa Alas Pilipinas kasama sina collegiate stars Bella Belen at Alyssa Solomon.
“Happy lang ako lagi kasi ito iyong time para mag-improve din para mag-grow as a player, para meron pa akong matutunan sa mga kasama ko,” dagdag ng 27-anyos na si Galanza.
Dahil sa hindi paglalaro ni Jen Nierva ay inilagay ni Brazilian coach Jorge Souza De Brito si Galanza sa libero position.
Ngunit ibinalik siya ni De Brito sa kanyang natural role at ipinalit sa kanya si 5-foot-10 middle blocker Chery Nunag.
“Hindi man nakuha iyong panalo pero masaya na part na ulit ako ng Alas Pilipinas and nakasama ko iyong mga bata, sobrang laki ng improvement and sobrang laki pa ng igagaling ng team na ito,” ani Galanza.
Ang mga batang tinutukoy ni Galanza ay sina Belen, Solomon, Angel Canino, Thea Gagate, Julia Coronel at Arah Panique.
Nagmula ang tropa sa makasaysayang bronze medal finish sa 2024 AVC Challenge Cup.
Sunod silang sasabak sa two-leg Southeast Asian Volleyball League (SEA V.League) sa Agosto.
- Latest
















